Sunday, December 27, 2015

Para sa namatay nating Pag-ibig

(Isinulat ko itong entry na ito noong November 1, 2015, bilang pag-alala sa mga namatay na pag-iibigan. Hahaha.)


Mahal kita. 
Mahal pa rin kita.
Mali. 
Mahal pa din ata kita.
Hindi!

Dinadala lang siguro ako ng mga ala-ala pabalik. Siguro nga ay may natitira pang pagmamahal pero hindi naman ibig sabihin noon na hindi ko pa din tanggap ang mga pangyayari. Marahil, siguro ay minsan din kitang minahal. Binuo ko ang pangarap ko na kasama ka. Pinanghawakan ko ang mayroon tayo para kayanin ang anumang pagsubok. Kaya hindi mo ako masisisi.

Marahil, mahal pa din kita. Pero huwag ka mag-alala dahil hindi ko naman hangad na manggulo pa. Hayaan mo at darating din ang panahon na para naman sa akin. Darating ang panahon na mangangarap akong muli hindi lamang para sa sarili ko. Darating ang panahon na muli akong magmamahal. Sisiguraduhin ko na pupunan ko ang lahat ng mga naging pagkukulang ko sa naging relasyon natin. 

Pero ngayon, hayaan mo lang ako. Hayaan mo lang akong magpakalunod sa aking emosyon. Hayaan mo lang akong tangayin ng masasaya nating ala-ala. Hayaan mo lang maramdaman ko muli ang init ng pagmamahal kahit sa guni-guni ko lang. Hayaan mo lang akong maging masaya sa ala-ala nating dalawa. Kasi hanggang dito na lang naman ang kaya ko. At hanggang dito na lang din naman ang gusto ko.

Pabayaan mo lang ako.
Pabayaan mo lang at unti-unti, ako ay lalayo.

Pabayaan mo lang ako. 

Friday, June 27, 2014

Kaibigan?

Oo, noong tumuntong ako ng kolehiyo, lumawak talaga ang mundo ko. Ikaw ba naman ang maging bahay-eskwela lang noon tapos sa iisang eskwelahan ka lang nag-aral sa loob ng labing-dalawang taon, malamang limitado ang makakasalamuha mo. Taon-taon may mga bagong darating pero mas marami pa rin ang mga dating kakilala at kaibigan. Oo, limitado pero sa loob ng maraming taon, masasabi kong nakilala ko ng husto, o kung hindi man ay ng medyo maina-inam ang mga taong nakakasalamuha ko.

Ngayong darating na pasukan ay apat na taon na ako sa kolehiyo. Apat na taon na akong pagala-gala sa malaking mundo ng unibersidad. Sa araw-araw na yon ay may nakakasalubong akong mga bagong mukha. Sa isang unibersidad ba naman na libo-libo ang mag-aaral eh pwedeng pwede nga makakilala ng iba’t ibang tao sa araw-araw.  Sa loob ng apat na taon, marami rin akong nakilala. May mga umaalis, may mga dumadating na bago. Siguro eh palakaibigan lang talaga ako. O baka naman ngayon lang ako bumabawi na magkaroon ng maraming kaibigan dahil hindi ganoon kadami ang nakilala ko noong mas bata-bata pa. Sa una, masaya. Sa bawat lugar may kaibigan ka—sa dorm, sa mga klase at sa organisasyon. Pero may hindi rin pala kagandahan ang maraming kaibigan.

Habang tumatagal ang panahon, napapagtanto ko na sa lahat ng mga yon, kaunti lang ang totoo. Marami sa kanila ay kaibigan mo lang kapag kaharap ka. Masakit kasi itinuturing mo silang kaibigan pero ganoon yata talaga. Sa mas malaking mundo sa labas ng unibersidad ay mas marami pang ganoon. Ika nga nila ay “professionalism” lamang. Kaibigan ka lang kapag may kailangan sa iyo. Kaibigan ka lang kapag masaya ka. Kaibigan ka lang kapag ayos ka. Pero unti-unti namang nawawala kasabay ng ihip ng panahon. Parang buto ng munggo na madaling tumubo at madali din namang malanta kung hindi sa tamang lupa itinanim. Mababaw ang ugat at madaling nasasalanta kapag dumarating ang sakuna. Wala naman akong magagawa kung hindi ang sabayan ang pag-ihip ng panahon. Sa pagpapalit ng mga araw, may darating at may aalis. May mga magiging kaibigan, pero hindi lahat ay mananatiling kaibigan.


Isang bagay ang natutunan ko sa lahat ng mga yun. Ito ay ang kilalanin at alagaan ang mga tunay na kaibigan na mananatiling kasama mo kahit dumaan man ang mga unos. Silang nakatatalos at nakakaintindi ng tunay kong katauhan.

Monday, June 2, 2014

Kahapon

Ang kahapon ay kahapon
At ang lahat ng nangyari kahapon ay hindi na mababago.
Bakas habambuhay
Maghuhumiyaw kahit walang tunog
Makukulong sa isipan kahit pilit iniaalis
Alingawngaw sa katahimikan
Tinik sa dibdib.

Salamat kahapon.
Heto na ako ngayon

Wednesday, May 28, 2014

Bagong Simula


Dumadating pala talaga tayo sa pagkakataong kailangan na nating pakawalan ang isang bagay na mahal na mahal natin. Masakit ito, syempre. Pero wala namang ibang magagawa kung hindi ang magpatuloy sa buhay. 

Siguro hindi natin maiintindihan sa umpisa ang mga dahilan kung bakit ito nangyare. Pero naniniwala ako na para ito sa ikabubuti natin.

Ang bawat paalam ay simula. Mahirap magpaalam at katulad niyon ay mahirap din magsimula. Naniniwala akong pagkatapos ng pagbabalik tanaw sa masasayang ala-ala ng nakaraan ang unti-unting pagbaling ng tingin sa panibangong umagang paparating. Sisikat muli ang araw. Sa pagkakataong ito ay mas tirik, mas mainit at mas maliwanag ang landasin. Patuloy na babaliin ng karanasan ang kaisipan, kasabay nito ang pagtunaw ng panibagong araw sa mga dilim at mga agam agam ng nakaraan. 

Patuloy na mabubuhay ang sulatkamay ko hangga't patuloy na lumalaya ang aking kaisipan kasabay ng pag-ikot ng aking mundo. Sa bago nitong simula, samahan ninyo akong tipahin ang mga eksperyensiya ng aking buhay. Sa pagkakataong ito ay mas nakasisigurong ang bawat saloobing nararapat ihayag ay ihahayag sa isang malayang taludturan.