Oo, noong
tumuntong ako ng kolehiyo, lumawak talaga ang mundo ko. Ikaw ba naman ang
maging bahay-eskwela lang noon tapos sa iisang eskwelahan ka lang nag-aral sa
loob ng labing-dalawang taon, malamang limitado ang makakasalamuha mo.
Taon-taon may mga bagong darating pero mas marami pa rin ang mga dating
kakilala at kaibigan. Oo, limitado pero sa loob ng maraming taon, masasabi kong
nakilala ko ng husto, o kung hindi man ay ng medyo maina-inam ang mga taong
nakakasalamuha ko.
Ngayong
darating na pasukan ay apat na taon na ako sa kolehiyo. Apat na taon na akong
pagala-gala sa malaking mundo ng unibersidad. Sa araw-araw na yon ay may
nakakasalubong akong mga bagong mukha. Sa isang unibersidad ba naman na
libo-libo ang mag-aaral eh pwedeng pwede nga makakilala ng iba’t ibang tao sa
araw-araw. Sa loob ng apat na taon,
marami rin akong nakilala. May mga umaalis, may mga dumadating na bago. Siguro
eh palakaibigan lang talaga ako. O baka naman ngayon lang ako bumabawi na
magkaroon ng maraming kaibigan dahil hindi ganoon kadami ang nakilala ko noong
mas bata-bata pa. Sa una, masaya. Sa bawat lugar may kaibigan ka—sa dorm, sa
mga klase at sa organisasyon. Pero may hindi rin pala kagandahan ang maraming
kaibigan.
Habang
tumatagal ang panahon, napapagtanto ko na sa lahat ng mga yon, kaunti lang ang
totoo. Marami sa kanila ay kaibigan mo lang kapag kaharap ka. Masakit kasi
itinuturing mo silang kaibigan pero ganoon yata talaga. Sa mas malaking mundo
sa labas ng unibersidad ay mas marami pang ganoon. Ika nga nila ay “professionalism”
lamang. Kaibigan ka lang kapag may kailangan sa iyo. Kaibigan ka lang kapag
masaya ka. Kaibigan ka lang kapag ayos ka. Pero unti-unti namang nawawala
kasabay ng ihip ng panahon. Parang buto ng munggo na madaling tumubo at madali
din namang malanta kung hindi sa tamang lupa itinanim. Mababaw ang ugat at
madaling nasasalanta kapag dumarating ang sakuna. Wala naman akong magagawa
kung hindi ang sabayan ang pag-ihip ng panahon. Sa pagpapalit ng mga araw, may
darating at may aalis. May mga magiging kaibigan, pero hindi lahat ay
mananatiling kaibigan.
Isang bagay
ang natutunan ko sa lahat ng mga yun. Ito ay ang kilalanin at alagaan ang mga
tunay na kaibigan na mananatiling kasama mo kahit dumaan man ang mga unos.
Silang nakatatalos at nakakaintindi ng tunay kong katauhan.
No comments:
Post a Comment